Ebanghelyo: Lucas 16:19-31
May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piyesta ang kanyang buhay sa araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat at gusto sana niyang kainin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang mga sugat. At namatay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin naman ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na siya, tumingala siya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. Kaya sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri para paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’ Sumagot si Abraham: ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya siya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. At isa pa’y malawak na kabundukang di matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito, at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.’ Sumagot ang mayaman: ‘Kaya
ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro sa bahay ng
aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila
upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’ Sumagot si Abraham: ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, makinig sila sa mga ito.’ Sinabi niya: ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’ Sinabi ni Abraham: ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang mga propeta, bumangon man ang isa sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala’.”
Pagninilay
“Hindi niya napansin ang kapwa na nangangailangan.” “May isang mayaman … nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukha nagngangalang Lazaro…” Bakit kaya yung mayaman ay hindi binigyan ng pangalan samantalang ang mahirap ay may pangalang Lazaro? Isa ba itong patunay na ang Diyos ay may pagkiling sa mga dukha at inaapi? Bakit nagkaroon ng “reversal of roles” doon sa Kaharian ng Langit? Si Lazaro naranasan ang ginhawa sa piling ni Abraham, samantalang ang mayaman ay nagdurusa doon sa init ng impiyerno. Ito ba yung tinatawag na “opium of the people”? Di bale maghirap ka sa mundong ito, sa langit naman ikaw ay giginhawa na. Ano ba ang kasalanan ng mayaman? Hindi niya napansin si Lazaro na lubos na nangangilangan sa kabila ng maraming luho na kanyang tinatamasa. Hindi niya nakita si Lazaro bilang anak ng Diyos at kapatid na dapat tulungan. Sarili lamang niya ang kanyang nakita at pinasaya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025