Ebanghelyo: Juan 1:47-51
Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punongigos, nakita na kita.”
Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.”
At idinugtong ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
Pagninilay
Tinitingnan natin ang mga anghel sa positibong paraan. Si Arkanghel Gabriel, sa panahon ng kapaskuhan, ay madalas nating naririnig na nagpapahayag at nakikipag-usap sa mga taong pinili ng Panginoon, tulad nina Maria, Jose, at Zacarias. Sa panahon natin ngayon kung saan karamihan sa mga balita araw araw, lalo na sa social media, ay hindi totoo o mga fake news, mahalaga na magbahagi ng mabuting balita. Kapag ang isang tao ay nalulumbay, dinadala natin ang salita ng kagalakan; kapag ang isang tao ay nasa pagdadalamhati, ibinabahagi natin ang salita ng buhay; sinumang nalilito at nagaalinlangan, binibigyan natin ng salita ng katotohanan at liwanag; at kung may nagpapalaganap ng kasalanan, ipinapakita natin ang salita ng biyaya at kapatawaran.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021