Ebanghelyo: Lucas 9:57-62
Habang naglalakad sila, may nagsabi kay Jesus: “Susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “May lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon; ang Anak ng Tao nama’y wala man lang mahiligan ng kanyang ulo.” At sinabi naman niya sa isa: “Sumunod ka sa akin.” Sumagot naman ito: “Pauwiin mo ako para mailibing ko muna ang aking ama.” Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus: “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay; humayo ka naman at ipangaral ang kaharian ng Diyos.” Sinabi naman ng isa pa: “Susunod ako sa iyo, Panginoon pero pauwiin mo muna ako para makapagpaalam sa aking mga kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Hindi bagay sa kaharian ng Diyos ang humahawak ng araro at pagkatapos ay lumilingon sa likuran.”
Pagninilay
Alam natin na hindi madali ang maging alagad ni Jesus. May tatlong taong gustong sumunod sa kanya, at malinaw ang kanyang mensahe: “Hindi ito madali.” Tatlo ang turo ni Jesus ngayon tungkol sa pagiging isang alagad: una, dapat maging simple ang ating buhay at handa tayong magsakripisyo. Pangalawa, ang relasyon o pakikisalamuha natin sa mga tao ay dapat makatulong sa ating misyon, hindi maging hadlang. Pangatlo, ayaw ni Jesus na ang ating paglilingkod ay “on-and-off.” Kung magsisimula tayo ng isang bagay, at ayon ito sa kalooban ng Diyos, ipagpatuloy natin ito kahit anong mangyari. Gusto ni Jesus na paglingkuran natin Siya ng buong puso at ng buong kaluluwa. Pinalalakas at binibigyan Niya tayo ng grasya upang makasunod sa Kanya at maranasan ang kanyang kapayapaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020