Ebanghelyo: Lucas 18:35-43
Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig Niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong Niya kung bakit. At may nagsabi sa Kanya: “Sina Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan.” Kaya sumigaw siya: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” Pinagsabihan Siya at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman Niyang nilakasan ang sigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.” Kaya tumigil si Jesus at ipinadala ang bulag sa Kanya, at nang malapit na ay itinanong: “Ano’ng gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito: “Panginoon, makakita sana ako.” At sinabi ni Jesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Jesus. At nagpuri rin sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.Pagninilay
Huwag susuko. Huwag mawawalan ng pag-asa. Ito ang madalas nating marinig na payo sa mga panahong pinanghihinaan tayo ng loob at tila hindi dinirinig ng Diyos ang ating mga panalangin. Katulad na sitwasyon ang kinaroroonan ng bulag sa ating Ebanghelyo subalit hindi Siya nawalan ng pag-asa. Kahit na pinagsabihan at pinatahimik Siya ng mga tao, lalo lamang siyang nagpumilit na makalapit kay Jesus. Bago pa man nakakita ang Kanyang mga mata, nauna na Niyang nasilayan ang liwanag at pag-asa kay Jesus. Ilan sa atin ang nananatiling bulag at hinahayaan na lamang magtago sa dilim ng kahinaang loob at kawalag pananalig? Kung meron lang sana tayong pananampalatayang gaya ng sa taong bulag, buong pag-asa rin nating isisigaw: “Panginoon, makakita sana ako.”© Copyright Pang Araw-Araw 2019