Ebanghelyo: Juan 8:31-42
Kaya sinabi ni Jesus sa mga Judiong nanalig sa kanya: “Kung mamamalagi kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, at maintindihan ninyo ang katotohanan, at palalayain kayo ng katotohanan.”
Sumagot sila sa kanya: “Binhi kami ni Abraham at hinding-hindi kami nag -aalipin kaninuman. Paano mo masasabing ‘Palalayain kayo’?”
Sumagot sa kanila si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na alipin ng kasalanan bawat gumagawa ng kasalanan. Ngunit hindi namamalagi magpakailanman ang alipin sa bahay. Ang anak ang namamalagi magpakailanman. Kaya kung ang Anak ang nagpapalaya sa inyo, totoong magiging malaya kayo.
Alam kong binhi kayo ni Abraham. Ngunit dahil walang lugar sa inyo ang aking salita, hangad n’yo akong patayin. Ang nakita ko sa piling ng Ama ang sinasabi ko, at ang narinig n’yo naman mula sa inyong ama ang inyong ginagawa.”
Kaya sumagot sila at sinabi sa kanya: “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, mga gawa sana ni Abraham ang inyong ginagawa. Ngunit ngayon, hangad n’yo akong patayin, na taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Hindi ito gawa ni Abraham. Mga gawa nga ng inyong ginagawa.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Hindi kami mga anak sa labas. Isang ama lamang meron kami – ang Diyos.”
Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung ang Diyos nga ang inyong Ama, mamahalin n’yo sana ako sapagkat sa Diyos ako galing at ngayo’y naparito. Dumating ako hindi sa ganang sarili ko kundi siya ang nagsugo sa akin.
Pagninilay
“Palalayain kayo ng katotohanan.” Kapag nakarinig ako ng mga reklamo ng ibang tao tungkol sa akin o tungkol sa gawain ko, madali akong bumagsak sa pakiwaring wala akong kwenta. Maaaring may iba silang pamantayan kaya’t pinuna nila ang hindi kasiya-siya para sa kanila. Ang pamantayan ba nila ang katotohanan? Higit kaninuman, ako ang nakakaalam ng katotohanan ko sa harap ng Diyos. Bakit haha yaan kong mabale-wala ang pinangha-hawakan kong katotohanan dahil lamang sa iniisip at sinasabi ng iba?
Tulad nina Shadrak, Mesak at Abednego, pinanghawakan nila ang kanilang paniniwala sa Diyos. Kahit anong pananakot at parusa, pati ang posibilidad na hindi kalooban ng Diyos ang kanilang paglaya mula sa nagbabagang pugon, ay hindi yumanig sa kanilang pagtiti-wala. Handa pa rin silang ialay ang kanilang buhay. At ito ang naging daan ng tunay na paglaya. Nais ko ring maging sanhi at daan ng aking pagbabago ang araw-araw na pani-nindigan ko sa katotohanan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022