Ebanghelyo: Mateo 18:1-5, 10, 12-14
Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit. Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.
Pagninilay
Ang Kapistahan ng Santo Niño ay maituturing na pinakatanyag na pagdiriwang ng Inang Simbahan sa Pilipinas. Sa araw na ito, inaalala natin ang Santo Niño bilang ang unang imahen ng Panginoong Jesucristo na ating nakilala sa bansa. Isa rin ito sa apat na imahen ng Batang Jesus na ginawaran ng isang koronasyon pontipikal noong 1965. Sa Ebanghelyo, ipinapaalala na kung gusto natin na makapunta ng langit, kinakailangan natin na maging tulad ng mga bata. Pero sa pagiging bata, hindi sinasabi ni Jesus na tularan natin ang maging bata, kundi gayahin natin ang pag-uugali ng mga bata. Hindi tayo tinatawag ni Jesus na maging childish o isip-bata, kundi child-like o maging tulad ng pag-uugali ng pagiging isang bata. Ano ba ang mga magagandang katangian ng isang bata? Ang bata ay nagsasabi ng totoo, hindi nagsisinungalin. Ang bata ay totoo sa kanyang sarili, hindi nagkukunwari. Ang bata ay masunurin, hindi suwail. Ang bata ay payak at mababa ang loob, hindi mapagmataas. Sa pagdiriwang natin ng Kapistahan ng Sto. Niño, na bahagi ng ating mayamang kasaysayan bilang Simbahan sa Pilipinas, nawa’y tayo rin ay magpasalamat kay Jesus sa Kaniyang halimbawa na maging tulad ng mga bata. Nawa’y biyayaan tayo lagi ng kakayanang maging totoo sa loob at mabuti sa asal tulad ng isang bata – na puno ng pag-ibig, puno ng pag-asa, at puno ng papanalig sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





