Ebanghelyo: Marcos 3:7-12
Kaya lumayo si Jesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya. Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang nagpunta sa kanya nang mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa. Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya. Sinusugod siya ng mga inaalihan ng maruruming espiritu pagkakita sa kanya at pasigaw nilang sinasabi: “Ikaw ang Anak ng Diyos.” Ngunit tinagubilinan niya silang huwag siyang ibunyag.
Pagninilay
“Ikaw ang Anak ng Diyos.” Ito ang sambit ng mga taong inalihan ng maruruming espiritu. Ito ay isang pahayag ng katotohanan na ang kasama nila ay walang iba kundi ang Diyos. Sa kapangyarihan ni Jesus, nagawa niyang pagalingin ang mga maysakit, palayasin ang mga masasamang espiritu, at ipahayag ang pag-ibig ng Diyos sa kanyang mga salita at gawa. Kaya naman lubos itong ikinatuwa ng mga taong nagnanais na masaksihan ang mga ginagawa ni Jesus. Ngunit pinapaalala rin ng ebanghelyo na tayo rin ay tinatawag hindi upang maging mga tagapanood lamang, o kaya’y maging tagamasid at tagatanaw. Ang tawag sa atin ay upang maging mga saksi. Ano nga ba ang pagkakaiba ng isang saksi sa isang tagamasid? Ang saksi ay isang tao na hindi lamang narooroon dahil nais niyang makakita at malaman ang isang bagay. Nais din niya na isabuhay at maging tagapagpahayag nang kanyang nakita. Bilang mga saksi ng mabubuting gawa ni Jesus, nawa’y maging tagapagpahayag din tayo ng kaniyang kabutihan. Huwag tayong makontento na maging tagamasid lamang at hindi nagpapahalaga sa lahat ng kabutihang pinagkaloob ng Diyos sa buhay natin.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




