Ebanghelyo: Marcos 3:20-21
Pagkauwi ni Jesus, nagsidating ang mga tao kayat hindi na sila nakakain. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kamaganak, lumabas sila para hulihin siya. Sinasabi nga nilang “Nababaliw siya.”
Pagninilay
Sa maikling pagbasa, si Jesus ay tila hindi naiintindihan ng kaniya mismong sariling pamilya. Dumating sila at narinig na napakaraming tao ang lumalapit kay Jesus upang humingi ng tulong. Gayun pa man, siya at ang kanyang mga alagad ay wala nang panahon pa, kahit na nga ang kumain. Sa konteksto ng mga Hudyo, kapag sinabi nating pamilya, hindi lamang ang kanyang mga magulang ang tinutukoy nito, kundi ang ilang mga kamag-anak na mula sa iba’t ibang sangay ng kanilang angkan. Narinig nga nating sinabi nila na: “Nababaliw siya.” Bakit kaya nila ito sinabi? Sapagkat hindi nila nauunawaan ang pakay at misyon ni Jesus sa lupa. Napagpasyahan nila na si Jesus ay malamang nawawala na sa kanyang pag-iisip at nais nilang dalhin siya pabalik sa Nazaret. Mabuti ang nais ng pamilya ni Jesus, bagamat mali ang kanilang interpretasyon. Sa pagsisimula ng kanyang misyon, batid ni Jesus na hindi na Siya babalik sa Nazaret. Kailangang matutunan ng kanyang pamilya na hayaan siyang pumunta sa layunin ng Diyos para sa kanyang buhay, kahit na ito ay hindi gaanong may kahulugan para sa kanila. Ang misyon natin ay ang sundin ang kalooban ng Diyos at subukang tahakin kung saan Niya tayo pinatutungo. Kapag si Jesus ang naging Panginoon ng ating buhay, tayo ay nagiging tunay at ganap na malaya na mamuhay sa paraan kung saan tayo ay nilikha ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026



