Ebanghelyo: Lucas 4:24-30
At idinagdag niya: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng balo ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring mayketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, hindi nabanggit kung nasaan si Jesus. Pero upang bigyan natin ito ng konteksto, Siya ay bumalik sa kaniyang pinagmulang bayan ng Nazaret kung saan Siya pinalaki ni Maria at ni Jose. Katatapos lamang ito ng panunukso sa kaniya sa disyerto, na matatagpuan naman sa unang bahagi ng Kabanata 4 ni San Lucas. Sa pagbabalik si Jesus sa Nazaret, dito natin makikita ang paghihirap ng isang propeta. Winika ni Jesus na: “walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan”. Ipinapakilala Niya ang kaniyang sarili na isang propeta. Ang propeta ay isang taong itinuturing na gurong hinahangaan o tagapagpahayag ng kalooban ng Diyos. Ibig sabihin malaki ang inaasahan sa isang propeta sapagkat kinakailangan na siya ang maging tinig ng Diyos para sa sangkatauhan. Ngunit pinakinggan ba nila si Jesus? Hindi. Tinangka pa nga nila na Siya ay dalhin sa burol at ihulog upang mamatay. Narinig ng mga taga-Nasaret ang sinasabi ni Jesus sa kanila bilang nakakainsulto, samantalang ito ay nilayon upang maging panatag. Nakilala ni Jesus ang dalawang propeta, sina Elias at Eliseo, na tumulong sa dalawang tao na nagpapakita na ang Diyos ng Israel ay Diyos din ng mga pagano. Mabuting balita ito, ngunit narinig ito ng mga taga-Nazaret bilang masamang balita. Kung ang Diyos ang Diyos ng mga pagano ay hindi rin siya maaaring maging Diyos ng Israel, tila naisip nila. Kailangan natin ng karunungan upang marinig at makita nang mabuti na ang Diyos ay Diyos ng lahat ng sanlinikha, hindi lamang ng mga Hudyo at ng mga Samaritano.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





