Ebanghelyo: Juan 20:19-23
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!” Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Kapayapaan sa inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.”
Pagninilay
Sa kaniyang pagpapakita, hatid ni Jesus ang kapayapaan na hangad ng kaniyang mga alagad, na sa puntong iyon ay litong-lito sa mga nangyayari. Sila rin ay nababalot ng takot sa mga Hudyo na may kakayahan ding gawin sa kanila ang mga bagay na ginawa nila kay Jesus. Pero bukod sa kapayapaan, dala rin ni Jesus ang Espiritu Santo, na tutulong sa kanila lalo na sa aspeto ng pagpapatawad. Dala ng muling nabuhay na Jesus ang biyaya ng kapayapaan. Sa mga pagkakataon ng pagkaligalig at kawalang-kasiguraduhan ay sadyang wala ring katahimikan sa puso at isipan. Sa mga pagkakataong ito ay apektado ang kabuuan ng ating pagkatao, kaya naman tayo’y nangangamba. Tanging kay Jesus lamang natin makakamtan ang totoong kapayapaan na hatid sa atin ng Banal na Espiritu. Mula sa kapayapaan na ito ay makakaya nating magpatawad na magdadala rin ng kapayapaan sa ating mga sarili. Nawa’y makamit at manahan sa puso natin ang biyaya ng kapayapaan na dala sa atin ni Jesus. Nang sa gayon, tayo rin ay makapagdala ng kapayapaan sa ating kapwa sa pamamagitan ng pagpapatawad sa ano mang nagawa nila sa atin. Nawa’y ang biyaya ng kapayapaan ang maghari sa sanlibutan upang mas maging makabuluhan ang pamumuhay ng bawat isa.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





