Ebanghelyo: Juan 17:20-26
Hindi lamang sila ang ipinapakiusap ko kundi pati ang mga nananalig sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita. Maging iisa sana ang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at ako’y nasa ‘yo. Mapasaatin din sana sila upang maniwala ang mundo na ikaw ang nagsugo sa akin. Ibinigay ko naman sa kanila ang luwalhating ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya nang tayo’y iisa: ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya magaganap sila sa kaisahan, at makikilala ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin, at minahal ko sila kung paanong minahal mo ako. Ama, sila ang ibinigay mo sa akin kaya niloloob kong kung nasaan ako’y makasama ko rin sila at mapansin nila ang bigay mo sa aking kaluwalhatian ko sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo. Makatarungang Ama, hindi ka kilala ng mundo: kilala naman kita at kilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinagbigay-alam ko sa kanila ang Ngalan mo at ipinagbibigay-alam pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako ri’y mapasakanila.”
Pagninilay
Sadyang mahal ni Jesus ang mga taong ibinigay sa kaniya ng Ama. Nais ni Jesus na tayo’y laging kasama at kaisa niya, gaya na siya ay kaisa ng Ama. Iwanan man tayo ng mga taong inaasahan natin na nasa ating tabi sa panahon ng pagsubok at kahirapan, iwanan man tayo ng mga taong itinuturing nating mahalaga at mahal natin, ng mga taong nangako sa atin, ay hindi ito kailanman mangyayari kung tayo’y nasa piling ni Jesus. Pwede man tayong iwanan o talikuran nang lahat sa mundo, pwede tayong abandonahin ng kahit sino pa maging ng mga minamahal natin, kung paano natatapos ang mga relasyon at ugnayan at maaaring magbago ang pakikitungo ng mga tao sa atin, ngunit ang kalooban ng Diyos na makiisa sa atin at makasama tayo ay mananatili at buhay. Wala tayong pwedeng takbuhan at balikan maliban sa Diyos. Siya’y laging naghihintay sa ating pagbabalik. Sa araw na ito, nais ng Diyos ang maging kaisa niya tayo. Handa ka na bang tumugon?
© Copyright Pang Araw-araw 2026





