Ebanghelyo: Marcos 11:11-26
Dumating si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo. Minasdan niya ang lahat at dahil magdadapithapon na, bumalik siya sa Betania kasama ng Labindalawa. Kinaumagahan, paglabas nila sa Betania, nagutom siya. Nang mapansin niya sa malayo ang isang puno ng igos na may mga dahon, nilapitan niya iyon kung makakakita siya roon ng anuman. Ngunit paglapit niya, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon lamang. Hindi nga panahon ng igos. Kaya sinabihan niya ang puno: “Wala nang bungang makakain mula sa iyo magpakailanman.” At narinig ito ng kanyang mga alagad. Pagkarating ni Jesus sa Jerusalem, pumasok siya sa Templo at sinimulan niyang palayasin ang mga nagtitinda at bumibili sa patyo ng Templo. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. At hindi niya pinayagang dumaan sa Templo ang may dalang anumang bagay. Tinuruan niya sila at sinabi: “Hindi ba nasusulat na, tatawaging bahay-dalanginan para sa lahat ng bansa ang aking bahay? Ngunit ginawa ninyo itong kuta ng mga magnanakaw.” Nabalitaan naman ito ng mga punongpari at mga guro ng Batas at hangad nila siyang iligpit. Takot nga sila sa kanya sapagkat namamangha ang lahat sa kanyang pagtuturo. At nang hapon na, muli silang lumabas ng lunsod. Pagbalik nila kinaumagahan, nakita nilang natuyo hanggang ugat ang punong-igos. Kaya naalaala ni Pedro ang tungkol dito at sinabi niya: “Guro, natuyo ang isinumpa mong punongigos.” At nagsalita si Jesus sa kanila: “Sumampalataya kayo sa Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo: kung may magsasabi sa bundok na ito: ‘Tumayo ka’t itapon mo ang iyong sarili sa dagat!’ at wala siyang alinlangan kundi naniniwala siyang mangyayari ang kanyang sinabi, mangyayari ito sa kanya. Kaya sinasabi ko sa inyo: anuman ang hingin ninyo sa panalangin, sumampalataya kayo na natanggap na ninyo at tatanggapin ninyo. At pagtindig ninyo sa pananalangin, magpatawad kayo kung mayroon kayong sama ng loob kaninuman; sa gayo’y patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit sa inyong mga kasalanan.”
Pagninilay
May mga punto sa ating buhay pananampalataya na tila ba parang walang tugon o sagot sa ating mga panalangin, o di kaya’y walang nangyayari o nagiging epekto ang ating mga panalangin. Sa tagal ng pag-aantay natin sa mga sagot sa bawat nating mga panalangin ay pinanghihinaan na tayo ng loob at lumalayo na nga tayo sa Panginoon. May mga pagkakataon pa nga na ang dating sa atin ay tila ba bulag, pipi at bingi ang Diyos sa ating mga panalangin. Wala naman kasing nangyayari. Dahil dito, pinagdududahan natin ang kaniyang presensya at kakayahan. Sa mga pagkakataong ito, mas tinuturuan tayo ng Diyos na sumampalataya sa kaniya. Ito nga ang daan upang maging ganap ang mga bagay na sa mata ng mundo ay imposible, pero sa mata ng Diyos ay posible. Ang ating mga dasal rin, bagamat hindi agad-agad nasasagot, ay magtuturo sa atin na magtiwala sa Diyos. Pananampalataya at pagtitiwala ang kailangan sa ating pagdarasal sapagkat sa pamamagitan nito natin matatanggap ang kasagutan sa ating mga panalangin. Manalig sapagkat walang imposible sa panalangin ng isang taong naniniwala at nagtitiwala sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





