Ebanghelyo: Marcos 11:27-33
Muli silang dumating sa Jerusalem at paglakad niya sa Templo, nilapitan siya ng mga punong-pari kasama ang mga guro ng Batas at ang Matatanda ng bayan, at tinanong: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagtalaga sa iyo para gawin ito?” Sinabi naman ni Jesus: “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. Sagutin ninyo ako at sasagutin ko rin kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Galing ba sa Diyos ang pagbibinyag ni Juan, o sa tao? Sabihin ninyo sa akin.” At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Bakit di kayo naniwala sa kanya?’ At paano naman natin masasabing galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan?” Takot nga sila sa bayan dahil tunay na propeta ang palagay ng lahat kay Juan. Kaya isinagot nila kay Jesus: “Hindi namin alam.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin na gumawa ng mga ito.”
Pagninilay
Respect begets respect. Kung paano mo tratuhin ang isang tao ay ganun ka rin tatratuhin ng iba. Ito ang nangyari ngayon kay Jesus at sa mga guro ng batas at mga matatanda sa ebanghelyo. Tinanong nila si Jesus kung anong karapatan niya upang gawin ang kaniyang mga ginagawa. Hindi sila sinagot ng direkta ni Jesus, bagkus ay sinagot niya sila ng isa ring tanong na tinanggihan nilang sagutin. Iniisip siguro natin na ganti ito ni Jesus, o di kaya’y panunumbat sa kawalan ng paniniwala ng mga taong ito sa kaniya. Pero kung tutuusin ay may mga laban sa buhay na hindi naman natin kailangan patulan lagi. May mga ganap sa ating mga buhay na hindi naman natin kailangan magreact agad. May mga bagay na naririnig at nakikita tayo, pero hindi naman kailangan na bigyan agad siya ng kaukulang pansin. May mga hamon sa buhay na hindi basta-basta pinapatulan ayon sa kung paano dapat siya tratuhin ng mundo. May mga hamon ang buhay na tanging sa mata at sa pamamagitan lamang ng pananampalataya mapagtatagumpayan. Kaya sa susunod na hamunin ka ng pagkakataon, sagutin mo ito sa mata ng pananampalataya.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





