Ebanghelyo: Juan 3:16-18
Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinukuman na ang hindi nananalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos.
Pagninilay
Nagkatawang-tao ang Anak ng Diyos upang magdala at maranasan ng sanlibutan ang pagmamahal ng Ama kasama ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng pagmamahal na ito ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang lahat ng sumasampalataya sa Diyos. Hindi maramot ang Diyos Ama sapagkat ibinigay niya sa mundo ang kaniyang Bugtong na Anak. Pag-ibig ang nag-udyok kay Jesus upang yakapin ang ating pagkatao at makiisa sa lahat ng ating nararanasan maliban sa kasalanan. Pag-ibig din ang nag-udyok sa Diyos Ama kaya naibigay niya ng buong-buo ang kaniyang Anak para tubusin ang sanlibutan kahit pa man sa kamatayan sa krus na hindi katanggap-tanggap sa mga Hudyo. Pag-ibig din ang nag-udyok sa Banal na Espiritu kaya hanggang sa mga puntong ito ng buhay pananampalataya ay patuloy na gumagabay sa pagsunod at pagtugon natin sa imbitasyon at mga hamon ni Jesus. Dahil sa pag-ibig, naisakatuparan ng bawat persona sa Banal na SanTatlo ang kani-kanilang tungkulin. Sa pamamagitan ng pagmamahal ay nararanasan ngayon ng sanlibutan ang puspos na awa ng Diyos. Hilingin natin sa Diyos na pagkalooban niya tayo ng biyaya at lakas na magmahal. Isang pagmamahal na para sa lahat; pagmamahal na walang hinihintay na kapalit; pagmamahal na kahit sa kamatayan ay magdadala pa rin sa totoong buhay na walang hanggan. Nawa’y makita rin sa pang araw araw nating buhay ang ibat’ibang pagpapakita ng Diyos sa kaniyang pagmamahal. Iba-iba man ang pamamaraan ng Diyos pero hindi mawawala ang katotohanan na tayo’y kaniyang minamahal. Ibahagi natinsa kapwa ang pagmamahal na ito na nagmumula sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





