Ebanghelyo: Mateo 18:21—19:1
Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses. Tungkol sa kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapwalingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang.” Idinagdag ni Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.” Nang tapos na si Jesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsya ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan.
Pagninilay
Nagulat siguro si Pedro at mga alagad sa sagot ni Jesus kung ilang beses dapat magpatawad sa kanyang kapatid na nagkakasala laban sa kanya. Dapat daw siyang magpatawad ng pitumpu’t pitong beses, na nangangahulugang walang hangganan ang pagpapatawad. Sa kasunod na talinghaga, ikinuwento ni Jesus ang tungkol sa isang alipin na pinatawad ng hari sa kanyang malaking utang, ngunit hindi ito nagawang ipakita sa kapwa niya alipin. Ipinapaalala sa atin nito ang kahalagahan ng pagpapatawad sa kapwa tulad ng pagpapatawad na natanggap natin mula sa Diyos. Ang pagpapatawad ay hindi lamang isang obligasyon kundi isang paraan upang makamit ang tunay na kalayaan at kapayapaan sa puso. Kaya’t sa itinuro ni Jesus na dasal, ipinapanalangin natin na tayo ay patawarin ng Diyos GAYA ng pagpapatawad natin sa isa’t isa. Ibig sabihin kung ayaw nating magpatawad sa ating kapwa, huwag na nating dasalin ang Ama Namin, sapagkat parang ipinagdarasal natin na huwag din tayo patawarin ng Diyos!
© Copyright Pang Araw-araw 2026





