Ebanghelyo: Lucas 17:20-25
Tinanong siya ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng kaharian ng Diyos; di masasabing ‘Narito o naroon,’ nasa inyo na nga ang kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at di naman ninyo makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng kanyang pagdating. Subalit kailangan muna niyang magtiis ng marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.
Pagninilay
Hindi lahat ng bahay ay tahanan. Ang bahay ay yari sa bato at bakal, pero ang tahanan ay nabubuo sa pamamagitan ng pagmamahal at katapatan. Puso, at hindi lugar, ang tahanan ng pag-ibig. Sa ganito rin maihahalintulad ang Paghahari ng Diyos: “hindi masasabing ‘Narito o naroon,’” sapagkat “ito nga ay sumasaatin na!” Hindi lugar ang nasasakupan ng Kaharian ng Diyos kundi ang mga taong nananalig sa kanya. Kung mayroon mang ‘pook’ na saklaw ng kanyang paghahari, ito ay ang ating mga puso. Sabi ni A. J. Heschel, “Faith is not the clinging to a shrine but an endless pilgrimage of the heart.” Sa ating pagsusumikap na mamayani ang katarungan at pagmamahal sa ating lipunan, nagaganap ang Paghahari ng Diyos. Akuin natin ang kahilingang ito sa dasal na ‘Ama Namin:’ nawa’y tunay na maghari ang Diyos sa ating gitna.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





