Ebanghelyo: Juan 2:13-22
Malapit na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus pa-Jerusalem. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa siya ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit at ipinagtataob ang mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin n’yo ang mga ito! Huwag n’yong gawing palengke ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Tinutupok ako ng malasakit sa iyong Bahay.” Kaya sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin at ginagawa mo ito?” Sinagot sila ni Jesus: “Gibain n’yo ang templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang templong ito, at ibabangon mo ito sa tatlong araw?” Ngunit and templong katawan niya ang kanyang tinutukoy. Nang ibangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.
Pagninilay
Bakit sagrado ang Simbahan, ang tanong ng pari sa kanyang mga parokyano? Iisa ang kanilang sagot: sapagkat ito po ay tirahan ng Diyos. Ganito rin ang kaisipan ng mga Judio, pinakabanal na pook ang Templo sa Jerusalem. Ito ang tahanan ng Diyos. Dito matatagpuan ang Kanyang presensya. Subalit ang pagsilang ni Jesus ay naghatid ng bagong ugnayan ng Diyos sa tao. Si Jesus ang Bagong Templo. Siya ang ganap na pananahan ng Diyos sa ating gitna. Pinabanal ng Kaniyang pagkakatawang-tao ang buong sangnilikha at lahat ng nasa mundo. Ang bawat tao ay tahanan ng kanyang Espiritu. Ang kalikasan ay tanda ng presensya ng Diyos at saklaw ng kanyang mapanligtas na paglingap. Sa ating panahon, ang paglabag ng tao sa buhay at pagsira sa kalikasan ay isang paglapastangan sa mga “pook” na pinananahanan ng Kanyang presensya. Nawa’y ang malasakit natin sa kanyang templo – sa dangal ng buhay at integridad ng sangnilika – ay tulad din ng apoy na nag-aalab sa ating puso.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





