Ebanghelyo: Lucas 14:15-24
Nang marinig ito ng isa sa mga kasalo, sinabi niya kay Jesus: “Mapalad ang makakasalo sa bangkete ng kaharian ng Diyos!” Sumagot si Jesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat.’ Ngunit parang sabaysabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una: ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ Sinabi naman ng isa: ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na’ Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’ Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod, at papasukin mo rito ang mga dukha, mga bale-wala, mga bulag at mga pilay.’ At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.’ Sumagot sa kanya ang panginoon:
‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko. Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makatitikim ng aking handa’.”
Pagninilay
Sinu-sino kaya ang kasama sa ating ‘guest list’ kapag naghahanda tayo ng isang piging? Tiyak na kabilang sa listahan ang nasa ating ‘circle of friends.’ At malamang, exclusive ito sa mga kamaganak at kaibigan, sa mga kakilala at kauri. Sa Talinghaga ni Jesus, binago niya ang hanay ng mga panauhin. Lahat ay kasama sa listahan. Walang itinatangi. Imbitado niya maging ang mga bulag, pilay at pulubi sa lansangan. Ito ang kahulugan ng misyon ni Jesus. Hindi lang ang mga karapat-dapat ang inaanyayahan; sa halip, ang mga inaanyayahan ay kanyang pinapagindapat. “For Jesus, welcome and respect come first, then conversion follows” (J. Martin). Minahal tayo ng Diyos hindi dahil sa ating kabanalan, kundi minahal na niya tayo kahit tayo’y makasalanan. Tuwing dumadalo tayo sa piging ng Banal na Misa, alalahanin natin ang sinabi ni Papa Francisco: “ang Eukaristiya ay hindi gantimpala sa mga taong perpekto kundi isang makapangyarihang lunas at pagkain para sa mga mahihina.”
© Copyright Pang Araw-araw 2026





