Ebanghelyo: Lucas 6:12-16
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamaganak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
Pagninilay
Ayon sa mga teologo, may tatlong uri ng pagiging saksi ang ating Simbahan:
1. Ang pagsaksi ng mga apostol na siyang tulay na nag-uugnay sa atin sa buhay at ministeryo ni Jesus.
2. Ang pagsaksi ng Espiritu Santo, na siyang nagbibigay-buhay at kabanalan sa Simbahan.
3. Ang pagsaksi nating mga binyagan sa ebanghelyo ni Kristo. Dapat makita sa buhay nating mga Kristiyano ang mga pagpapahalaga ng Mabuting Balita ni Kristo. Ang hamon sa atin ni Papa San Juan Pablo II: “Isinasabuhay mo ba ang iyong pinananaligan? Tunay bang ipinapahayag mo ang iyong isinasabuhay? Higit kailanman, ang pagsaksi ang mahalagang kondisyon ng pagiging tunay na epektibo sa pangangaral.” (Evangelii Nuntiandi, 1975) Tanong: Paano mo mapapainom ang isang buriko na hindi naman uhaw? Pipilitin mo ba itong lumapit sa tubig? Sagot: Hindi, kundi kumuha ka ng ikalawang buriko na uhaw na uhaw. Kapag nakita ng unang buriko ang pananabik ng ikalawa sa tubig, tutularan niya ito at sa wakas ay iinom na rin siya ng tubig. Ang ating misyon ay maging tulad ng ikalawang buriko. Kapag nakita ng ibang tao ang ating pananabik at pagkauhaw sa Diyos, maaakit at tutularan tayo ng ibang tao.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





