Ebanghelyo: Lucas 12:49-53
Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang di ito nagaganap! Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Sapagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa isang sambahayan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila: ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”
Pagninilay
Isang mapanganib na pasya ang maging tagasunod ni Jesus. Simula pa noon hanggang ngayon, inuusig at pinapatay ang mga Kristiyano dahil sa pananampalataya. Sa kasaysayan, hindi iilan ang nagbuwis ng buhay para sa kanilang paninindigan. Dahil hindi umaayon sa kalakaran ng mundo, ang kanilang buhay ay matinding saksi laban sa katiwalian sa lipunan. Nararanasan natin ngayon ang lantarang pagbaluktot sa katuwiran at katotohahan. Inuusig ang mga taong matuwid samantalang pinapaboran ang mga naghahasik ng kasamaan at kasinungalingan. Wika ni Jesus sa ebanghelyo: “Naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan…” Ang paglalaban ng Diyos at ni Satanas ay hindi lang isang ispirituwal na tunggalian. Kongkreto itong nagaganap sa kasaysayan. Kailangan nating piliin ang panig ng kabutihan. Kapag ang kamalian ay naging sistema sa lipunan, nabubuo ito bilang istruktura ng kasalanan. Ang pakikihamok para sa kabutihan ay tungkulin ng mga anak ng Liwanag. Sabi ni Martin Luther King, ang sukdulang sukatan ng tao ay hindi kung saan siya nakatayo sa sandali ng kaginhawahan, ngunit kung saan siya nakatayo sa mga oras ng hamon at kaguluhan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





