Ebanghelyo: Lucas 14:1, 7-11
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya.May talinhaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘Ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto. Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pag dating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Lumalabas ang tunay na ugali ng tao sa hapag-kainan. Sa ebanghelyo, pinansin ni Jesus sa isang piging kung paano pinipili ng mga panauhin ang mga tanging upuan. Sa tingin ng ilan, ang handaan ay pagkakataon para iparada sa publiko ang angat na katatayuan nila sa buhay. May mayaman, at may nagyayaman-yamanan. May kagalang-galang, at may nagpapanggap lamang. Kung minsan, ang mga handaan ay nagiging okasyon ng sosyalan, at walang malalim na pagtatagpong personal. Ibang klase ang mga piging na dinaluhan ni Jesus. Iba ang diwa ng kanyang pakikisalo. Dumulog siya sa hapag ng mga taong hamak. Sa karaniwang buhay, ang gusto lang nating makasalo ay mga kaibigan at kakilala. Binasag ng kapakumbabaan ni Jesus ang kalakaran ng tao. Sa Kaharian ng Diyos, ang mga kinakaligtaan ng lipunan ay may lugar sa hapag ng Diyos. Mauunawaan natin ang kahulugan ng misa kung gugunitain natin ang mga salu-salong dinaluhan ni Jesus – sa piling ng mga aba at makasalanan. Malalim at personal ang pakikipagtagpo ni Jesus sa kanila. Hindi lamang isang rituwal o panlipunang okasyon ang misa. Paanyaya ito dumulog din sa mga salu-salong dinaluhan ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





