Ebanghelyo: Juan 6:1-15
Pagkatapos nito, nagpunta si Jesus sa kabilang ibayo ng dagat ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng makapal na tao dahil napansin nila ang mga tandang ginagawa niya sa mga maysakit. Umahon si Jesus sa bundok at naupo siya roon kasama ang kanyang mga alagad. Malapit na ang Paskuwa na piyesta ng mga Judio. Kaya pagkatunghay ni Jesus at pagkakita niyang marami ang taong pumupunta sa kanya, sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay para makakain ang mga ito?” Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya dahil alam na niya kung ano ang napipinto niyang gawin. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila para makakuha ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May maliit na bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Madamo sa lugar na iyon kaya sinabi ni Jesus: “Paupuin n’yo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila, halos limanlibo ang mga lalaki. Kaya kinuha ni Jesus ang mga tinapay at pagkapagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin naman sa mga isda – gaano man ang gustuhin nila. Nang busog na sila, sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Tipunin ninyo ang natirang mga piraso para walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira ng mga pinakain, at labindalawang bakol ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Pagkakita sa tandang ginawa ni Jesus, sinabi
ng mga tao: “Ito ngang talaga ang Propeta parating sa mundo.” At alam ni Jesus na parating sila upang agawin siya para gawing hari kaya lumigpit siyang muli na siya lamang mag-isa sa bulubundukin.
Pagninilay
Sa patuloy ng pagdaloy ng buhay sa mundo, marami tayong naririnig at nakikita na pagdami ng mga tao at mga grupong sumasamba at sumasampalataya sa Panginoon. Marami ang naghahanap sa Panginoong Jesus. Marami ang nais makinig sa kaniyang mga aral at turo. Marami ang naghahangad na makaranas sa kaniyang pagpapagaling at himala. Hinahanap nila ang Diyos upang matanggap nila ang minimithing kapatawaran at hinahangad na mailap na kapayapaan. Marami ang mga taong sinusundan si Jesus! Marami ang naghahanap sa kaniya! Gutom sila sa gabay at presensya ng Panginoon sa kanilang buhay! Si Jesus ang tunay na Tinapay ng Buhay! Pinapakain niya tayo ng kaniyang walang maliw na kabutihan at biyaya! Sa kanya naiibsan ang nararamdaman nating pagkagutom ng ating kalooban, ng ating diwa, at ng ating kaluluwa. Sabi nga, hindi kailanman nabibili ang biyaya. Hindi binebenta ang kabutihan. Ito’y ipinagkakaloob at pinagsisikapang makamit sa pamamagitan ng pagtugon ng kabutihan rin sa ating kapwa. Tayo’y pinakain ni Jesus ng walang bayad, atin din itong ibinibigay ng walang halaga sa ating kapwa. Ito ang tunay na pagpapakain ng marami, ng pagpapadami ng Tinapay!
© Copyright Pang Araw-araw 2026





