Ebanghelyo: Marcos 16:9-15
Pagkabuhay ni Jesus sa unang araw ng sanlinggo, una siyang napakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. Umalis ito at nagbalita sa mga kasama ni Jesus na noo’y umiiyak at nagluluksa. Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Jesus at napakita sa kanya.
Pagkatapos nito, napakita naman si Jesus sa ibang anyo sa dalawa sa kanila habang papunta sila sa labas ng bayan. At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pa pero hindi rin naniwala ang mga ito sa kanila.
Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, napakita sa kanila si Jesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin.
At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal.
Pagninilay
Kitang-kita na’y ayaw pa ring maniwala. Kasabihan nating mga Pilipino, “mahirap gisingin ang nagtutulug-tulugan” o “mahirap makakita ang nagbubulag-bulagan”. Kung ipinasya nang mali, paano pa ito makikitang tama; ang kung ipanasya nang tama, paanong patutunayang mali?”
Ganito ang salaysay sa Unang Pagbasa at sa Ebanghelyo. Kitang-kita naman na nakatindig na ang lumpo; ilan na ang nagsabi sa iba’t ibang dako na buhay si Jesus… ano pa bang patunay ang hinihintay? Talaga bang kailangang magmula sa langit at magpakita mismo ang Diyos para tayo maniwala?
“Wala silang maisip na paraan para parusahan (sina Pedro at Juan) sapagka’t nagpupuri sa Diyos ang lahat dahil sa nangyari.” Gawa 4:21
Dahil sa pagpupuri’y hindi mai-tanggi ang hinahadlangang katoto-hanan. Kaya pala ayon sa titik ng isang awitin, “Naninirahan ang Diyos sa papuri ng Kanyang bayan.” Hindi kataka-katakang malakas makahikayat at makahatak ng mga bagong kasapi ang “Praise and Worship songs”!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022