Ebanghelyo: Jn 15: 1-8
“Ako siyang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang di namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga. Ngayon malinis na kayo dahil sa salitang binigkas ko sa inyo. Mamalagi kayo sa akin, at ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sanga sa ganang sarili, malibang mamalagi ito sa puno ng ubas; gayundin naman kayo, malibang mamalagi kayo sa akin. Ako siyang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang namamalagi sa akin at ako sa kanya, siya ang namumunga nang sagana pagkat hiwalay sa aki’y hindi kayo makagagawa ng anuman. Kung hindi namamalagi sa akin ang sinuman, ihahagis siya sa labas gaya ng sangang natuyo na tinitipon at ginagatong sa apoy at nagliliyab. Kung mamamalagi kayo sa akin at mamamalagi sa inyo ang mga pananalita ko, hingin ninyo ang anumang loobin n’yo at magkakagayon sa inyo. Sa ganito parangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.
Pagninilay
Madaling maunawaan ang mga matalinghagang turo ni Jesus sa mga taong babad sa reyalidad ng kalikasan. Ang paghahambing Niya sa puno at magsasaka ng ugnayan natin sa Kanya, at sa Ama, ay napakalinaw at madaling unawain. Tunay nga na kung ang isang sanga ay pinutol at mawalay sa puno, ito ay nawawalan ng buhay o silbi. Gaano ba tayo kamulat sa katotohanang ito? Na kung tayo’y hihiwalay sa Puno…kay Kristo, walang silbi ang ating buhay. Batid natin na maraming beses tayo ay nawawalay kay Jesus at doon din natin nakikita ang kakulangan ng saysay ng ating buhay kahit sa kabila ng makamundong karangyaan na ating tinatamasa. Kung ito ay hindi nanggagaling sa Puno ng Buhay, hindi ito magtatagal at kadalasan nakakaramdam tayo ng uhaw na hindi na pupunan ng materyal na bagay o makamundong tagumpay. Tingnan natin ang ating sariling buhay kung anong klaseng bunga ang ating makikita. Ito ba ay nagdadala sa atin ng malalim na kapayapaan at kasiyahan? Sikapin natin na sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay manatiling konektado ang ating buhay kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024