Ebanghelyo: Jn 15: 9-17
Kung paano ako minamahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. Kung isasa-katuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal ko kung paanong isinakatuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang aking kagalakan at maging ganap ang inyong kagalakan. Ito ang kautusan ko: magmahalan kayo kung paano ko kayo minahal. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod ang ginagawa ng kanyang panginoon. Mga kaibigan naman ang turing ko sa inyo sapagkat ipinagbibigay-alam ko sa inyo lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob sa inyo anumang hingin n’yo sa Ama sa pangalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo: magmahalan kayo.
Pagninilay
Sa Ebanghelyo pinapahayag ni Jesus ang walang pasubali na pagibig ng Diyos sa Kanya na Kanya ring ibinahagi sa atin. Iniibig Niya tayo gaya ng pag-ibig ng Ama sa Kanya. Mahal niya ang kanyang mga alagad at nais niyang manatili sila sa Kanyang pag-ibig. Gaya ng ating karanasan magkasintahan kapag sila ay umibig sa isa’t isa, tila walang anoman o sinoman ang maaring makapaghiwalay sa kanil. Dahil sa pag-ibig, handa tayong magsakripisyo at gawin ang lahat alangalang sa ating minamahal. Dahil sa wagas na pagmamahal si Jesus ay nagdusa, ipinako sa krus at ibinigay ang Kanyang sarili para sa ating sariling kaligtasan at mapatunayan kung gaano Niya kamahal ang Ama at ang buong sanlibutan. Inaanyayahan tayong suriin ang ating pagmamahal kay Jesus. Paano natin ipinapahayag ang ating pagmamahal sa Kanya sa pamamagitan ng ating kapwa? Ano ang dapat nating gawin upang manatili sa Kanyang pag-ibig? “Sino ang maghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo? (Roman 8:35).
© Copyright Pang Araw-Araw 2024