Ebanghelyo: Lucas 11:1-4
Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung paanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo: Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang kaharian mo, bigyan mo kami arawaraw ng pagkaing kailangang-kailangan namin, patawarin mo kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”
Pagninilay
“Sa pananalangin, mas mainam ang puso na walang maraming salita kaysa maraming salita na wala namang puso,” wika ng isang manunulat. Sa nagtitiwala, di kailangan ang maraming salita. Ang pag-uusap ay puso sa puso. Mas nagkakauwaan ang walang maraming sinasabi. Presensya lang ay sapat na. Ganito ang panalangin. Tiwala ang lenguahe ng puso. Alam na ng Diyos ang ating pangangailangan bago pa natin ito hingin sa kanya. Ang Panginoon ay Diyos ng ‘probidensya.’ Ang salitang “probidensya” ay galing sa salitang Latin na “pro” at “videre” na ang kahulugan ay “to see beforehand.” Kita na ng ating Ama sa langit ang ating niloloob bago pa natin ito isiwalat sa panalangin. Itinuro ni Jesus ang dasal na “Ama Namin,” na nagpapahayag ng lahat ng dapat nating hingin sa Diyos. Hindi dapat magsawa sa pananalangin. Tiwala lang. Ang Diyos ay Ama natin.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





