Ebanghelyo: Mateo 21:33-43
Makinig kayo sa isa pang halimbawa: May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong pero ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at pinalayas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” Sinabi nila sa kanya: “Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon; pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.” At sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.
Pagninilay
Hindi naging maganda ang ‘ending’ ng talinhaga. Sa kabila ng tiwala at kagandahang-loob ng may-ari ng ubasan, kawalang utang na loob at kasakiman ang iginanti ng kanyang mga kasamá. May mga pagkakataong ganito rin ang nagiging tugon natin sa Diyos. Nakakalimutan natin na siya ang May-ari at tayo’y katiwala lamang. Sino tayo at paano tayo tumutugon bilang ‘pinagkatiwalaan’ ng May-ari ng lahat? May tatlong ‘P’ na gabay sa ating pagninilay. Pagpapala. Hindi mabilang ang mga kaloob na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Ayon sa panlipunang aral ng Simbahan, “ang pagpapalang bigay ng Diyos sa isa, ay pagpapalang bigay Niya sa lahat.” Samakatuwid, kapag nagbabahagi tayo ng mga kaloob sa iba, ibinibigay lamang natin ang talagang nauukol sa kanila. Dahil ang mundo ay ipinagkaloob sa lahat, hindi maaring gamitin ito ng iilang tao para sa pansariling kapakinabangan. Ang yaman ng daigdig ay regalo ng Diyos sa lahat. Pananagutan. Sa bawat pagpapalang tinanggap, may pananagutang katapat. Tungkulin nating linangin at pagbungahin ang ating mga kaloob. Lahat tayo ay mananagot sa Diyos kung paano natin ginamit nang mahusay ang kanyang mga pagpapala. Tulad mga kasamá sa talinhaga, may mga sandaling hindi tayo nagiging tapat na katiwala. Itinuring nating pansarili lang ang ating kaloob. Naging makasarili sa paggamit ng yaman. Inabuso natin ang kalikasan. Hindi tayo naging responsable sa paggamit ng mga bagay sa daigdig. Parusa? (o Gantimpala?) Hindi binabawi ng Diyos ang kaloob niyang pagpapala. Kusa itong nawawala dahil tayo ang nagpapabaya. Hindi nagpaparusa ang Diyos. Taliwas ito sa kanyang kalikasan bilang dalisay na Pag-ibig. Ang ‘parusa’ ay bunga ng radikal na pagtanggi sa kabutihan. Ang impiyerno ay paghihirap na bunga ng pagtanggi sa tawag ng pag-ibig. Sa pagtalikod sa alok ng Diyos, ang tao mismo ang nagdadala ng kahatulan sa ating sarili. Ang aral ng talinhaga: Kahatulan o parusa ang dala ng kasakiman at pagpapabaya. Samantala, may gantimpalang nakalaan sa mabuting katiwala.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





