Ebanghelyo: Mateo 18:1-5, 10
Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.
Pagninilay
Anong reaksyon mo kapag sinabihan ka ng iyong kaibigan na “Isa kang anghel?” Di ba nakakatuwa at nakakataba ng puso? Dahil ang ibig sabihin nito: “isa kang sugo ng Diyos. Ikaw ang tugon sa kanyang dasal.” Ang salitang ‘anghel’ ay tumutukoy hindi sa kalikasan kundi sa gawain. Ibig sabihin, maraming espiritu ang nasa piling ng Diyos sa langit. Tinatawag lang anghel ang isang espiritu kapag siya ay sinugo para maghatid ng mensahe sa tao. Ang mga anghel ay tanda at patunay ng probidensya at patnubay ng Diyos sa tao. Taglayin natin ang pusong tulad ng sa mga bata na laging bukas sa paggabay at tulong ng iba. Sa panahong ito na halos wala nang pagpapahalaga ang tao sa mga bagay na espiritwal, ang mga anghel ay nagpapaalaala na may higit pa sa buhay kaysa ibinibigay ng mundo. Kulang at kapos ang kahulugan ng makataong pag-iral kung walang dimensyong espiritwal. Ang mga anghel ay gabay at katulong natin sa paglalakbay sa buhay na ito patungo sa langit, ang tunay nating tahanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





