Ebanghelyo: Mateo 21:28-32
Nagpatuloy si Jesus: “Ano sa palagay ninyo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagot ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta.” At itinanong ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” Sumagot sila: “Ang una.” At sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan pero hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita ninyo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.
Pagninilay
Sa Mateo 21:28-32, ipinapakita ni Jesus ang parabula ng dalawang anak upang ituro ang kahalagahan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Isa sa mga anak ay nagsabing hindi siya susunod sa utos ng ama, ngunit kalaunan ay ginawa ang ipinag-uutos. Samantalang ang isa ay sumangayon agad, ngunit hindi naman tumalima. Madaling magsalita ng “oo” sa Diyos—maaring sa ating mga panalangin at sa mga pangako. Ngunit ang tunay na hamon ay nasa ating mga gawa. Ang pananampalataya ay hindi lamang sa salita, kundi sa pagkilos na tumutugon sa tawag ng Diyos. Kung minsan, tayo ay tulad ng unang anak—maaaring magkamali sa una, ngunit nakakakita ng pagkakataong bumangon at magsisi. Ito’y nagpapakita ng awa ng Diyos, na laging bukas para sa mga nagbabalik-loob. Ang parabula ay nagpapahiwatig din ng kahalagahan ng pagbabago ng puso. Hindi pa huli ang lahat para sa mga taong minsang tumalikod sa Diyos. Ang pagbabalikloob, gaya ng ipinakita ng mga makasalanan sa parabula, ay pinapahalagahan ng Diyos higit sa mga pangako na hindi naman tinutupad. Tayo’y inaanyayahan na maging totoo sa ating mga sinasabi at ipakita ito sa pamamagitan ng ating mga gawa.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





