Ebanghelyo: Lucas 10:38-42
Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”
Pagninilay
Mahirap sa tao ang laging “busy” at “on the go.” Nawawalan siya ng tamang pananaw. Nagiging ‘maisíp.’ At sa paglaon, ang trabaho ay nagiging pabigat. Agad napapagod sa konting gawa at nagiging mareklamo. Minsan ay tulad din tayo ni Marta. Laging abala sa gawain. Walang panahon para makinig. Pero kailan pa nga ba naubos ang ating mga takdang gawain? Kailangan natin ang pananahimik at pananalangin. Ang taong nakaugat sa Diyos ay hindi basta nababagabag ng mga alalahanin sa buhay. Sa pagdarasal, nagkakaroon tayo ng maka-Diyos na pananaw. Nagagawa nating umangat sa mga pagkabalisa sa mga bagay ng daigdig. “Pinili ni Maria ang mainam na bahagi.” Pinuri ni Jesus si Maria sapagkat pinili niyang unahin ang pakikinig sa Salita at pakikipagniig sa kanyang Panginoon. Sa bawat Marta, kailangan natin si Maria. Sa bawat gawain, dapat may kalakip na panalangin. Sa ating paggawa para sa Diyos, huwag nating kalimutan ang Diyos ng paggawa.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





