Ebanghelyo: Lucas 16:1-8
Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’ At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga mayutang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: “Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo; maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: Walundaan.” Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di-matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.
Pagninilay
‘Wais’ ang tawag natin sa mga taong madiskarte o ‘street-smart.’ Sila ay likas na maparaan. Kaya nilang humanap ng praktikal na solusyon sa mga problema. Ang nakapagtataka, ginagamit ng iba ang pagiging ‘matalino’ sa panlalamang sa kapwa o sa pandaraya. Ani Jesus sa ebanghelyo, “ang mga makasanlibutan ay mas magaling gumawa ng paraan kaysa maka-Diyos.” Sa tunay na buhay, marami ang gumagamit ng kanilang galing, yaman at oras sa mga bagay na walang katuturan kaysa sa mga tunay na mahalaga sa buhay. Madaming mga kaloob mula sa Diyos ang naaaksaya sapagkat di ito nagagamit sa paggawa ng kabutihan sa kapwa. Sa talinghaga ng tusong katiwala, dapat nating tularan, hindi ang katusuhan sa panglalamag, kundi ang pagka-’wais’ nito sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito para sa pagdamay at paglingap. Kapag ‘wais’ tayo sa pangangasiwa ng mga natanggap na biyaya, kakamtin natin ang makalangit na pagpapala.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





