Ebanghelyo: Lucas 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon at dito’y may mas dakila pa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.
Pagninilay
Isang dokumentaryo ukol sa banta ng nagbabagong klima ang ipinalabas noon sa isang TV network. Ang pamagat: ‘Signos.’ Dito ay ipinakita ang mga palatandaan ng mga darating na kapinsalaan sa buhay at kabuhayan ng tao sanhi ng ‘global warming.’ Nagpaparamdam na ang kalikasan. Nararanasan na natin ang lahat ng tanda: sobrang init na panahon, sobrang lakas na pag-ulan at flashflood, mapaminsalang bagyo na di pa nararanasan noon. Sa kabila nito, may ayaw pa ring maniwala. “Business as usual,” wika nga. Tuloy ang ligaya. Sa ebanghelyo, tinuligsa ni Jesus ang mga taong naghahanap ng tanda. Sa kabila ng mga pangangaral at kababalaghang ginawa Niya, ayaw pa rin nilang maniwala. Sa katigasan ng puso, tinanggihan nilang kilanlin ang pagkilos ng Diyos sa kanilang gitna. Dahil sa pagbubulag-bulagan, nalampasan sila ng pagdalaw ng Diyos sa kanilang buhay. Laganap ang tanda ng presensya ng Diyos sa ating paligid. Nawa’y matuto tayong bumasa ng mga tanda ng panahon. Hindi lamang mula sa aklat ng Biblia nagsasalita ang Panginoon. Maging sa aklat ng ating pang-araw-araw na buhay, maaari nating marinig ang tinig ng Diyos. Sa mga ‘signos’ na nararanasan natin sa paligid, ipinapaalaala ng Diyos na dapat tayong kumilos. Wala ng puwang upang manahimik at magmasid na lamang sa harap ng napipintong pagkawasak ng ating daigdig.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





