Ebanghelyo: Mateo 14:22-36 (o Mateo 15:1-2, 10-14)
Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin.
Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro:
“Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.”
At sinabi niya: “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at nagsimulang lumubog. Kaya sumigaw siya:” Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong maliit ang pananampalataya, bakit ka nagalinlangan?”
Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!”
Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, mapapansin na nakalakad sa tubig si Pedro nang ang kanyang paningin at atensyon ay nakatuon kay Jesus. Nang mabaling ang kanyang atensyon sa malakas na hangin ay nagsimula na siyang lumubog.
Ito rin ang karanasan natin. Sa una, masaya tayo dahil nakakapagsimba at nakakapagdasal pa tayo. Laging may oras para sa Panginoon. Ngunit kapag mas nagbibigay tayo ng atensyon sa ibang bagay tulad ng “career’, luho at mga materyal na bagay, doon tayo nagsisimulang magkaproblema. Doon tayo unti-unting lumulubog hanggang sa nahihirapan na tayong makaahon. Ang iniisip natin ay pinaparusahan na tayo ng Diyos. Mali! Sa katunayan nga ay ang Diyos ang laging sumasaklolo sa atin, lalo’t higit sa panahong bagsak na bagsak na tayo. Handang iaabot sa atin ni Jesus ang Kanyang mga kamay para lang iangat tayo sa pagkakalubog natin. Isang magandang paalala rin ito na huwag nating aalisin ang ating mga mata sa Panginoon. Kapag nasa Kanya ang ating tiwala, walang anumang suliranin ang hindi natin kakayaning harapin. Sa panahon ng krisis, kay Jesus tayo kumapit!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022