Ebanghelyo: Mateo 19:3-12
At lumapit sa kanya ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” At sinabi nila: “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” Sinabi naman niya sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, maliban kung dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.” Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking mayasawa, walang pakinabang sa pag-aasawa.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi makapag-aasawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pag-aasawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”
Pagninilay
Sinubukan ng mga Pariseo si Jesus sa pamamagitan ng tanong tungkol sa diborsyo, kung naaayon ba ito sa batas sa anumang kadahilanan. Tumugon si Jesus sa pamamagitan ng pagbabalik sa orihinal na plano ng Diyos sa paglikha: “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y nilikha sila ng Diyos na lalaki at babae?” Ang kasal ay banal at sagrado, nilikha ng Diyos upang pagsamahin ang lalaki at babae bilang isa. Ipinapaliwanag ni Jesus na ang diborsyo ay bunga ng katigasan ng puso ng tao, ngunit sa simula pa’y hindi ganito ang plano ng Diyos. Ang kasal ay isang tipan, hindi lamang sa pagitan ng dalawang tao kundi kasama ang Diyos, kaya’t ito’y dapat bigyang halaga at ingatan. Sa talata 10-12, tinanong ng mga alagad si Jesus kung mabuting mag-asawa kung ganito kahigpit ang aral. Ang sagot ni Jesus, mayroong mga tao na piniling manatiling walang asawa alang-alang sa kaharian ng langit. Ang “celibacy” ay isang mahalagang bokasyon, isang paraan ng pagsisilbi sa Diyos nang buong puso. Ang pagpapahalaga sa sakramento ng kasal at ang pag-unawa sa bokasyon ng celibacy ay nagpapakita ng lalim ng ating pananampalataya at pag-ibig sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





