Ebanghelyo: Mt 13: 54-58
Pumunta siya sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Di ba’t siya ang anak ng karpintero? Di ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
Pagninilay
Ang salitang propeta ay hango sa salitang Griyego na prophetes, na ang ugat ay pro-phemi, at ang kahulugan ay tagapagsalita ng iba. Ang isang propeta ng Diyos na kagaya ni Jeremias ay isang taong pinili upang maging tagapagsalita ni Yahweh. Ang kanyang misyon at tungkulin ay isang napakahirap na tawag sapagkat mas madalas ang tao ay hindi lamang nakakalimot na makipagugnayan sa Diyos, siya rin ay lumilihis pa sa Kanyang kalooban. Hindi madaling magsalita ng katotohanan at paalalahanan ang mga taong nagkasala at sinusunod ang kasiyahang alok ng mundo at ang kislap at alindog ng mga materyal o pisikal na bagay. Ganito ang pagtanggi kay propeta Jeremias ng mga taga Juda. Ang mga pari pa mismo ng templo ang nagpadakip sa kanya dahil hindi nila matanggap ang Salita ng Diyos na ipinahayag ni Jeremias – na kung hindi sila magbabagong buhay, sila ay parurusahan ni Yahweh. Ganito rin ang naranasan ni Jesus sa Kanya mismong bayan. Hindi sila makapaniwala na ang isang anak ng karpintero na kanilang kilala ay makapagtuturo tungkol sa Diyos. Nakaranas si Jesus ng panghahamak at kawalan ng pananalig, kaya kaunti lamang ang himalang nagawa Niya sa Kanyang bayan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024