Ebanghelyo: Mt 14:1-12
Nang panahong iyon, umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.” Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya, pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta. Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan. inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina. At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita ito kay Jesus.
Reflect
Sa unang pagbasa at sa ebanghelyo, makakakita tayo ng halimbawa na akma sa katotohanan na payo ng mga may pinag-aralan sa tamang pagpapasya o pagdedesisyon. Sa Jeremias 26:11 halatang-halata na bugso ng galit at negatibong damdamin ang nag-udyok sa mga pari at propeta ng templo upang naisin na patayin si Jeremias. Ang damdaming ito ay nagbago matapos nilang mapakinggan ang kanyang paliwanag at napagtanto nila na marahil ang propeta nga ay nagsalita sa Ngalan ng Diyos. Sa Mateo 14:1-12, sa labis na kasiyahan ni Herodes sa pagsayaw ng babaeng anak ni Herodias, nakapagbitaw siya ng pangako na nauwi sa kamatayan ni San Juan Bautista. Dahil sa galit ni Herodias sa propeta, ito ay hindi nagatubiling hingin ang ulo ni San Juan. Kung iisipin niya sana ng maigi ay napakaraming mas magandang hingin sa hari sa ganun klase ng bihirang pagkakataon. Nararapat na pag-ingatan natin ang ating mga emosyon at huwag pabayaan na tayo ay makapagbitaw ng salita na habang buhay nating pagsisihan dahil ito ay hindi namungkahi sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin o angkop na pagninilay-nilay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024