Ebanghelyo: Lucas 19:1-10
Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Jesus pagdaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.” Nagmamadali siyang bumaba at tuwangtuwang tinanggap si Jesus. Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”
Pagninilay
Lahat ng paglabag sa katarungan ay may kaakibat na pagbabayad-puri. Kahit napatawad na ito sa kumpisal, kailangan pa rin gumawa ng hakbang para panumbalikin ang kaayusang sinira ng kasalanan. Pinatunayan ito ni Zakeo nang aminin niya kay Jesus ang kanyang mga kasalanan at akuin
ang pananagutang magbayad-puri. Nangako siya na isasauli ng apat na ibayo ang anumang nakamkam niya sa pandaya sa kanyang kapwa. Sabi nga, “A thing always seeks its owner.” Anumang ninakaw, kinupit, dinaya, hiniram o sinira ay dapat isauli, isaayos at pagbayaran. Pinanindigan ni Zakeo ang pagbabago. Hindi lang niya sinunod ang hinihingi ng katarungan. Ipinamalas pa niya ang pagmamahal sa pamamagitan ng kawanggawa. Ibinahagi niya ang kalahati ng kanyang ariarian ay ipinamigay niya sa mga dukha. Dahil dito, nakamtan niya at ng kanyang sambahayan ang kapayapaan. Tunay ang sinabi ni Papa San Juan Pablo, ang kapayapaan ay bunga ng katarungan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





