Ebanghelyo: Lucas 18:35-43
Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong niya kung bakit. At may nagsabi sa kanya: “Sina Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan.” Kaya sumigaw siya: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” Pinagsabihan siya at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman niyang nilakasan ang sigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.” Kaya tumigil si Jesus at ipinadala ang bulag sa kanya, at nang malapit na ay itinanong: “Ano’ng gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito: “Panginoon, makakita sana ako.” At sinabi ni Jesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Jesus. At nagpuri rin sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.
Pagninilay
Hindi kailangan ang mata upang makita ang tunay na mahalaga. Kung minsan pa nga, ang mga may kumpletong paningin ang hindi makakita sa katwiran at katotohanan. Wika ni Helen Keller, ang pagkabulag ay isang masaklap na kapansanan subalit hindi nangangailangan ng mga mata ang pagkakaroon ng tamang pananaw. Ipinamalas ito ng bulag sa ebanghelyo. Sa kabila ng kanyang kapansanan, ‘nakita’ niya si Jesus. May kakayahang makakita ang pusong may tapat na pananalig. “It is only with our heart that we can see rightly; for what is essential is invisible to the eyes” (mula sa ‘The Little Prince’). Ang puso ay marunong makinig, tumingin at makiramdam. Maari tayong magbingi-bingihan o mabulag-bulagan pero ang puso ay handang makinig at may kakayahang makita ang tunay na mahalaga. Sa sineng, “Kita-kita,” pinatunayang ang pag-ibig ay hindi bulag. Kita nito ang hindi kayang makita ng mata. Kita niya ang mga ayaw tingnan ng mundo. Tanaw niya ang walang puwang sa lipunan. Sa gitna ng pagkabulag ng lipunan sa mga bagay na espiritwal, makita nawa ng ating pusong nananalig ang pagkilos at presensya ng Diyos sa ating karanasan araw-araw.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





