Ebanghelyo: Mateo 14:22-36 (o Mateo 15:1-2, 10-14)
Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin. Nang madalingaraw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.”
At sinabi niya: “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at nagsimulang lumubog. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong maliit ang pananampalataya, bakit ka nagalinlangan?” Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!” Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
Pagninilay
Noong ako’y nag-aaral magmaneho ng sasakyan, ang bilin sa akin ng aking guro ay huwag na huwag akong titingin sa mismong baba ng “bumper” ng sasakyan dahil sa bilis nito ay maaaring mawala ako sa pokus at mauwi ito sa aksidente. Ganito rin ang nangyayari sa atin kapag tayo ay nakararanas ng mga unos sa ating buhay. Doon natutuon ang ating atensiyon at nagiging bulag na tayo sa kagandahang-loob ng Diyos. Kapag nawala ang ating pokus sa Panginoon, nagiging sanhi ito ng ating pagkalunod sa mga hindi magagandang pangyayaring ating kinakaharap. Sa ating paglapit sa Panginoon, pagtuunan natin ng pansin ang liwanag na kanyang taglay at hindi ang kadilimang nasa paligid natin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021