Ebanghelyo: Marcos 6:34-44
Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita Niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa Siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.
Nang humahapon na, lumapit sa Kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras.”
Paalisin mo sila nang makapunta sila sa mga nayon at bukid sa paligid at makabili ng kani-kanilang makakain.”
Ngunit sumagot si Jesus sa kanila: “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sinabi naman nila: “At kami pa pala ang bibili ng tinapay – dalawandaang denaryo, di ba? At bibigyan namin sila.” Ngunit sinabi Niya: “Ilang tinapay meron kayo? Sige, tingnan ninyo.” At pagkatingin nila ay kanilang sinabi: “Lima at may dalawa pang isda.”
Kaya iniutos Niya sa kanila na paupuin nang grupu-grupo ang makapal na tao sa berdeng damuhan. At naupo silang grupu-grupo, tigsasandaan at tiglilimampu. Kinuha Niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa Kanyang mga alagad para ibigay din nila sa mga tao. Gayundin naman, hinati Niya ang dalawang isda.
At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso – labindalawang punong basket ang mga piraso ng tinapay pati na ang mga piraso ng isda. Mga limanlibong lalaki ang napakain.
Pagninilay
Hindi mahirap isipin ang ating mga sarili bilang isa sa libu-libong tao sa Ebanghelyo na nagkakatipon. Maraming pagkakataon sa ating buhay na tayo’y parang tupa na walang pastol. Tayo’y naguguluhan, nagtatanong, naghahangad ng kapahingahan, naghahanap ng direksyon at kahulugan sa buhay. Subalit sa mga pagkakataon ring ito, tayo’y matatagpuan ng awa ng Panginoon. Batid ng Mabuting Pastol ang ating pangangailangan. Alam niya ang pangangailangan natin sa kanyang Banal na Salita na siyang magbibigay lakas at magpapabangon sa atin sa ating pagkakalugmok. Ito ang unang ginawa ni Jesus, “nagsimula siyang magturo sa kanila ng matagal.” At gayundin naman, tayo’y kanyang pauupuin kasama ng iba pa, at tayo’y kanyang pakakainin at bubusugin. Ito rin ang ating karanasan sa tuwing tayo’y nagkakatipon sa Banal na Misa, sa hapag ng Salita at sa hapag ng Tinapay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021