Ebanghelyo: Mateo 4:12-17, 23-25
Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, lumayo Siya pa-Galilea. Hindi Siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali.
Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano.
Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.”
At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang Kanyang mensahe: “Magbagong-buhay; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.”
Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea. Nagturo Siya sa kanilang mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao.
Lumaganap sa buong Siria ang balita tungkol sa Kanya. Kaya dinala sa Kanya ang mga may karamdaman, ang lahat ng naghihirap dahil sa sakit, ang mga inaalihan ng demonyo, ang mga nasisiraan ng bait, ang mga paralitiko, at pinagaling Niya silang lahat. Sinundan Siya ng maraming taong galing sa Galilea, sa Sampung Lunsod, sa Jerusalem, sa Judea at sa kabilang ibayo ng Jordan.
Pagninilay
Unti-unti ng naglalaho ang mga palamuting ilaw na nagliliwanag nitong Kapaskuhan. Karamihan sa mga Christmas lights at mga parol ay itinago nang muli at ilalabas na lamang sa sunod na panahon ng Kapaskuhan. Bagamat panandaliang hindi muna sisidlak ang mga ito, isang liwanag ang mananatiling magniningning, ang liwanag ni Jesus. S’ya ang “malaking liwanag” na nakita ng “mga lugmok sa kadiliman.” Siya ang liwanag na sumikat “sa mga nasa anino ng kamatayan.” Si Jesus na nagpakita ng kanyang sarili ang s’yang tunay na ilaw na gagabay sa ating lahat. Marami mang mga pagsubok ang ating kakaharapin sa taon na ito, madilim man at walang kasiguruhan ang ating hinaharap, nakatitiyak tayong patuloy na magniningning ang nag-iisang Liwanag.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021