Ebanghelyo: Mt 9: 9-13
Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan siya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalana ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay
Iba ang pamantayan ng tao sa pamantayan ng Diyos. Noon at hanggang ngayon, marami ang mapagsamantala sa kapwa lalong-lalo na sa mga dukha at salat sa yaman sa lipunan. Ito ay hindi sang-ayon sa pamantayan ng Diyos na ang nais sa tao ay mahalin ang kapwa at gamitin ang yaman ng kalikasan at mundo bilang tagapangasiwa o tagapangalaga lamang ng nilikha Niya. Maling pag-iisip at pananaw ang magmahal sa mga bagay, gaya ng pera, at gamitin ang kapwa para makamtan ang ambisyon at maging ganid at mag-astang panginoon sa iba pati na sa pakikitungo sa kalikasan at sa yaman nito. Tunay na mapalad si San Mateo dahil tinawag siya ni Jesus na maging alagad niya. Ang tawag ng Diyos ay hindi pinalampas ng dating taga singil ng buwis. Malamang ay naghahanap na rin siya ng mas higit pang kaligayahan at kahulugan sa buhay bukod pa sa kayang ibigay ng salapi at mga yamang inaalok ng mundong makasalanan. Ipanalangin natin na sana’y marinig din natin ang tawag ng Diyos at mabuksan ang ating puso upang tayo’y magkaroon ng buhay na naaayon sa Kanyang Salita at Kalooban.
© Copyright Pang araw-araw 2024