Ebanghelyo: Mt 9: 14-17
Noo’y lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno. Walang magtatagpi ng bagong pirasong tela sa lumang balabal sapagkat uurong ang tagpi at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputok ang mga sisidlan at matatapon ang alak at masisira rin ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak; sa gayo’y pareho silang tatagal.”
Pagninilay
Ang mga sinaunang mga Griyego ay maraming naituro sa atin. Patuloy na mapapalawak ang ating kaalaman at pag-unawa sa buhay dahil sa mga naibahagi ng mga pilosopong sina Heraclitus, Socrates, Plato, at Aristotle. Binuksan nila ang ating isipan patungkol sa konsepto ng oras o panahon (TIME). Ang ‘chronos’ at ‘kairos’ ay makakatulong para maunawaan natin ang konsepto ng “time.” Ang salitang chronos ay ang pagkakasunod-sunod ng panahon ayon sa takbo ng orasan o sa paglipas ng panahon, hango sa pag-ikot ng mundo at paglalakbay nito paikot sa ating sistemang solar. Ang “kairos” naman ay maari intindihin na panahong itinakda o itinadhanang mangyari o dumating. Ito ang mas malalim na pagtingin at pag-unawa sa mga pangyayari sa ating buhay na dumadating sa “tamang panahon” o sa panahong “itinakda” ng Diyos na lumika ng lahat. Ipinapahayag sa atin sa unang pagbasa at sa ebanghelyo ni San Mateo na may mga pangyayari o nagaganap sa buhay na kinakailangang tingnan bilang kairos at hindi chronos. May mga pangyayaring nagaganap sa tamang panahon, na itinadhanang dumating o mangyari sa ating buhay na kailangan tanggapin bilang plano ng Diyos at hindi lamang aksidenteng naganap.
© Copyright Pang araw-araw 2024