Ebanghelyo: Mc 6: 1-6
Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, pumunta siya sa kanyang bayan, kasama ng kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanyang mga kamay? Di ba’t siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamaganakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At hindi niya nakayang gumawa ng himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.
Pagninilay
I sang napakaganda at malalim na panalangin ang makikita sa Salmo 123. Ito ay nagpapahiwatig ng buong pagpapakumbaba at pagsusumamo na panalangin ng mga taong nakakaranas ng matinding pagsubok sa buhay. “Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami, sapagkat sawa na kami sa pagdurusa. Matagal nang nagsawa ang aming kaluluwa…” Bakit nga ba pinahihintulutan ng Diyos na ang tao ay makaranas ng mabigat na problema o mapait na karanasan na napakahirap intindihin at tanggapin? Ang Diyos ba ay sadyang napakalupit, na natutuwang makita ang taong naghihirap at nagsisikip ang dibdib sa kaiiyak at sa hapdi ng kanyang pinagdadaanan? Ang Diyos ba ang may problema o baka naman tayong mga tao ang sadyang kulang ang pag-unawa sa tunay na kahulugan ng buhay? Kung ang ebanghelyo ni San Marcos 6:1-6 ang pagbabasehan, mismong si Jesus ang namangha sa kawalan ng paniniwala sa kanya mismo ng bayan. Madalas ang tao ay bulag sa mga himala na ginagawa ng Diyos sa mga pangkaraniwang pangyayari sa buhay. Marami ang sarado ang isip at tenga sa Salita ng Diyos kaya kung minsan pinahihintulutan ng Diyos na makaranas ng paghihirap upang magising at maligtas sa mas matinding kapahamakan.
© Copyright Pang araw-araw 2024