Ebanghelyo: Mateo 10:7-15
Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay.
Pagdating ninyo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at makituloy sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.
Pagpasok ninyo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal ninyo; kung hindi naman karapatdapat, babalik sa inyo ang inyong dasal.
At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon.
Pagninilay
Masakit ang iwanan lalo na kung ang gagawa sa atin nito ay sarili nating kapamilya. Sa pakikipagkita ni Jose sa kanyang mga kapatid, siya ay naging emosyonal. Niyakap niya ang kanyang kalungkutan at sa huli siya ay nagpatawad. Marahil marami sa atin ang naiwan, nasaktan o nagawan ng mali ng ating mga kaanak. Ang paanyaya sa atin ay hindi basta talikuran ang nararamdaman. Ihayag ang kalungkutan ng may pagpapakumbaba at walang bahid ng panunumbat. Hilingin ang gabay ng Diyos at sa huli ay muling buksan ang puso sa pagpapatawad at pagmamahal. Gaano ka kahandang magpatawad? Gaano ka kabukas upang magmahal muli? Idalangin ito sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021