Ebanghelyo: Juan 21:15-19
Pagkapag-almusal nila, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit sa pagmamahal nila?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga kordero.” Sinabi sa kanyang makalawa: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang naka-aalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Ipastol ang aking mga tupa.” Sinabi sa kanyang makaitlo: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”
Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang sinabihan: “Iniibig mo ba ako?” kaya sinabi niya: “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” Sinabi nito sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga tupa.
Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibigkis sa iyong sarili at palakadlakad ka saan mo man naisin. Ngunit pagtanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo sa hindi mo nais.” Sinabi ito ni Jesus sa pagbibigay-tanda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!”
Pagninilay
Inilagay ko ang sarili ko sa lugar ni Pedro. Dinama kong tinatanong ako ni Jesus kung mahal ko Siya. At tulad ni San Pedro, ang pinakamatapat na tugon ay “Alam mo, Panginoon.” Alam mo ang tunay na hangarin ko ngunit alam mo rin ang kakulangan ko’t mga kasalanan. Kung gagamitan ba natin ng Math, ano kaya ang matitirang score? Alam mo, Panginoon. Ayokong tanungin ang aking sarili dahil nais kong palabasing “oo” ang sagot ko ngunit parang hindi tama ang sagot na ito sa naging takbo ng buhay ko.
Nais ko na lang humango ng aral sa naging katapatan ng mga tauhan sa Unang Pagbasa: si Festo, na ayaw magbitiw ng paghatol kay Pablo at si Pablo, na mas ninais hatulan siya bilang mamamayang Romano. Malinaw ang kanilang kinatatayuan. Alam nila kung paanong maging tapat sa tungkulin.
Ngayo’y tatanungin ko na ang aking sarili: mahal ko ba si Jesus? Siya ang pinili kong pag-alayan ng buo kong buhay. Hindi ako naging tapat sa mga pagkakataong hinihingi Niya ang patunay ng pagmamahal ko. Kaya’t hindi ko babawiin ang paghahandog ko sa Kanya habang hinahayaan Niyang matuklasan ko ang gawing katapatan at paraang dalisay ng pagmamahal sa Kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022