Ebanghelyo: Juan 21:20-25
Paglingon ni Pedro, nakita niyang sumusunod ang alagad na mahal ni Jesus, na siyang humilig sa tabi niya noong hapunan at nagsabing: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: “Panginoon, ano naman sa kanya?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito, ano sa ’yo? Ikaw, sumunod ka sa akin!”
Dahil dito’y kumalat ang salitang ito sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinasabi sa kanya ni Jesus na hindi siya mamamatay kundi “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito.”
Ito ang alagad na siyang nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at ang sumulat sa mga ito. At alam namin na totoo ang kanyang patunay. Marami pa ring ibang ginawa si Jesus, na kung isa-isang masusulat ang mga iyon, sa tantiya ko’y hindi magkakasya sa mundo ang isusulat na mga aklat.
Pagninilay
Nakatanikala ako dahil sa pag-asa ng Israel.” Gawa 28:31
May taglay akong kakulitan mula pa nang bata ako. Marami akong gustong malaman. Marami akong nais maunawaan. Baon ko sa monasteryo ang aking pagkamausisa. Madalas ay inuunahan ko ng tanong ang aking Mother Prioress o ang aking Mother Mistress bago pa nila ipagbigay-alam sa lahat ang bagay na gusto kong malaman kaagad (tulad ni San Pedro sa ebanghelyo). Palagi akong pinaaalalahanan na maghintay dahil sasabihin din naman ang impormasyong gusto kong makuha.
Dahil dito’y makabuluhan sa akin ang sipi sa pasimula ng pagninilay na ito. Tila baga ito ang kalutasan sa madalas kong pag-uusyoso: tanikala. Mahalaga sa isang Carmelite (lalo na’t mongha) ang pananahimik. Sa aming Holy Rule, tatlong larawan ang gabay ng pananahimik – timbangan, rendang mahigpit at dilim. Timbangan: para tiyak na tama ang sukat at tiyempo ng iyong pagsasalita. Rendang mahigpit: para hindi mapahamak ang kaluluwa mo at ng makikinig sa iyo. Dilim: ang maigting na katahimikan ng kamatayan. Ang GRAND SILENCE o ganap na katahimikang aming sinusunod pagkatapos ng Panalangin Bago Matulog (Compline) ay paalala ng pangkatapusang katahimikan ng tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022