Ebanghelyo: Mateo 5:13-16
Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao.
Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay inilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawain at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Inutusan ko ang isang biyuda roon para bigyan ka ng pagkain.” 1 Hari 17:9
Sa sipi pa lamang na ito ay may matutuklasan na tayong katotohanan: hindi gumagamit ng salita ang Diyos para mag-utos. Wala namang naging pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ng biyuda, ni sa panaginip o sa pamamagitan ng taong sugo. At nang humingi ng inumin at pagkain ang propeta, alam nating walang naganap na pag-uutos. Subalit tumalima ang biyuda sa utos ng pagpipitagan sa propeta at sa tawag ng pagmamalasakit. Hindi kailangang magpakita ang Diyos, magparinig ng Kanyang tinig o magpadala ng nakasulat na mensahe. Nangungusap Siya sa puso, sa konsensya at sa kabutihang ipinunla ng Espiritu ng Diyos.
Kasing likas ng alat ng asin ang kabutihan sa kalamnan ng tao. Nguni’t ang larawan at wangis ng Diyos na siyang kakanyahan ng tao ay nabahiran ng pagsuway ng ating mga ninunong Adan at Eba. Parang diyamanteng natabunan ng putik. Ang putik na ito naging singkapal at sintigas ng semento dahil sa kasalanan. Kaya masakit ang proses ng pagbabakbak ng hadlang sa pagningning ng liwanag na nabaon, na para na ring nailibing.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022