Ebanghelyo: Mateo 5:13-16
Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao. Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay inilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawain at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Narinig mo na ba ang mga katagang “nananabang na”. Kadalasan ito ay ukol sa relasyon. Kapag nananabang na ang tao ang ibig sabihin nito ay wala na siyang gana sa relasyon. Pwede rin itong gamitin sa trabaho, pag-aaral, at mga hobbies o mga bagay na ating kinagigiliwan. Kapag nanabang na, ay wala na ang iyong interes at pagpupundar ng sarili. Sa ebanghelyo, sinabing tayo ang ASIN NG MUNDO. Kapag may asin ang pagkain, hindi ito mananabang. Kung ating titingnan, tayo ay tinatawagang magbigay ng pag-asa sa mga taong “nananabang na” lalo’t higit sa kanilang buhay pananampalataya. Gayun din, tayo ay tinawag na maging ilaw sa buhay ng iba. Dalawang klase ang ilaw, ilaw na nakakasilaw at ilaw na tama lang para makagabay sa kadiliman. Minsan, sa ating paglilingkod, nagiging ilaw tayo na nakakasilaw. Masyado tayong maliwanag na di na nakikita ng kapwa ang Diyos at puro nalang self-promotion. Nawa sa araw na ito, tayo ay pagmulan ng pag-asa sa taong nanabang sa buhay pananampalataya at pagmulan din ng Liwanag at gabay sa daan tungo sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




