Ebanghelyo: Mateo 10:7-13
Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga may-ketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay.
Pagdating ninyo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at makituloy sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.
Pagpasok ninyo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal ninyo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal.
Pagninilay
Inalalayan sila ng kamay ng Panginoon.” Gawa 11:21b
Ang dalawang pagbasa ay nagsasaad ng pag-alalay ng kamay ng Panginoon sa kanyang mga hinirang. Nararanasan ba natin ang pagalalay sa atin ng kamay ng Diyos?
Ang buhay sa loob ng monasteryo ay punong-puno ng hamon at mga pagkakataon ng pag-unlad at pagp apanibago. Minsan sa isang linggo ay palagi kaming may pagtitipon na tinaguriang Weekly Dialogue. Sa mga pagpupulong na ito, iwinawasto ang mga pagkakamali, nililinaw ang mga alituntunin at hinihimok ang lahat na pag-ibayuhin pa ang pagsisikap na maisabuhay ang pagiging uliran at isang tunay at tapat na mongha, ang rurok ng buhay-kontemplatiba.
Hindi maiwasan sa ganitong paguusap, na may mga nasasaling ang damdamin at may mga sumasama ang loob. Subalit ito ang paraan ng pag-alalay at paghuhubog. Di ba’t ang isang katawang sugatan, kahit hindi pagbuhatan ng kamay, ay sumasakit? Sinisikap ng bawa’t isa na sapinan ang pagwawasto ng pang-unawa, pagpapaumanhin at pagmamahal subalit tiyak na kahit iwasan ay masasaling at masasaling ang sugat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022